Kartilya
Ng
Katipunan
Mga Aral ni Emilio Jacinto
Naunang sumulat si Andres Bonifacio ng mga pang-aral (cartilla, primer), subalit nang nabasa niya ang sinulat ni Emilio Jacinto, ipinalit niya ito at tinakdang alituntunin ng Katipunan.
Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay punong-kahoy na walang lilim, kung hindi makamandag na damo.
Hindi kabaitan ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagkahambog o pag-ibig sa sarili, at hindi talaga nagbubuhat sa nasang gumawa ng magaling.
Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang pagsukat ng bawat kilos, gawa at pangungusap sa talagang Katuwiran.
Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao ay magkapantay. Mangyayari na ang isa’y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.
Ang may mataas na kaluoban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kaluoban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa puri.
Sa tao na may hiya, salita’y panunumpa.
Huwag mong sayangin ang panahon. Ang yamang nawala’y mangyayaring magbalik, ngunit panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan.
Ipagtanggol mo ang inaapi, kalabanin ang umaapi.
Ang matalinong tao ay ang may pag-iingat sa bawat sasabihin. Matuto kang ipaglihim ang dapat ipaglihim.
Sa matinik na daan ng buhay, lalaki ang patnugot ng asawa at mga anak. Kung ang umaakay ay tungo sa samâ, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.
Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpitagan ang kanyang kahinaan, alalahanin (mo) ang ina na pinagbuhatan, at nag-iwi sa iyong kasanggulan.
Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.
Ang kamahalan ng tao ay wala sa pagka-hari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagka-pari na kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpapa-api at di nakiki-api; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.
Paglaganap ng mga aral na ito, maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan, at sasabugan ng matamis niyang liwanag ang nagkakaisang magkakalahi’t magkakapatid, ng liwanag na walang katapusan. Ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapan ay labis na matutumbasan.